Ang larawan ay kinuha sa St. Peter the Apostle Parish Calauag, Quezon
Hindi po sabungero si San Pedro at hindi rin po susi ng kulungan ng manok niya ang kadalasang nakikita natin sa mga larawan o rebultong nagrerepresenta sa kanya. Ang mga ito po ay may simbolismo.
Nasasaad sa Banal na kasulatan:
Sinabi ni Jesus sa kanila, "Ako'y iiwan ninyong lahat, sapagkat nasasaad sa Kasulatan, 'Papatayin ko ang pastol, at mangangalat ang mga tupa.' ngunit pagkatapos na ako'y muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea." Sumagot si Pedro, "Kahit na po iwan kayo ng lahat, hindi ko kayo iiwan." "Tandaan mo," sabi ni Jesus sa kanya, "sa gabi ring ito, bago tumilaok nang makalawa ang manok ay makaitatlo mo akong itatatwa." Subalit matigas na sinabi ni Pedro, "Kahit ako'y pataying kasama ninyo, hindi ko kayo itatatwa." Gayon din ang sabi ng ibang alagad.
(MARCOS 14:27-31)
Sinabi ni Hesus, bago tumilaok nang makalawa ang manok, makaitlo siyang itatatwa ni Pedro. Yung po ang isinisimbolo ng manok na hawak ni Pedro.
Ikalawang paglilinaw, ang susi naman daw ay ang susi ng kulungan ng manok na panabong ni San Pedro. Maling-mali po mga kapatid. Saan man sa Bibliya ay wala pong masasaad na ganito. Ang susi na hawak ni Pedro ay sumisimbolo sa susi ng kalangitan nang sabihin sa kanya ni Hesus,
18At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya. 19Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: at anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anomang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit. 20Nang magkagayo'y ipinagbilin niya sa mga alagad na huwag sabihin kanino man na siya ang Cristo.
(Mateo 16:18)
Mga kapatid, sana po ay nakatulong ito at nakadagdag ng kaalaman sa inyo. Salamat po sa pagbibigay ng panahon sa pagbabasa nito.
Ang may-akda: Katryn M. Leonor